PLEASE PROMOTE THIS LINK . . . MABUHAY MHSIANS!! PLEASE PROMOTE THIS LINK . . . MABUHAY MHSIANS!! PLEASE CONTRIBUTE ARTICLES AND SEND TO royal_database@yahoo.com

Monday, April 7, 2008

NAGSASAWA RIN ANG MGA TAO

Sabi nga ng karamihan gaano man kasarap ang pagkain kung araw-araw mo naman itong kakainin ay pag sasawaan mo rin. Isipin mo na lang na isang Linggo kang mag-ulam ng menudo hindi ka ba mauumay? Makita mo pa lang sa hapag kainan siguradong alam na ng dila mo kung ano ang lasa nito. Hindi lang sa pagkain , may mga bagay tayong ginagawa o ninanais sa ating mga buhay na sa una ay nakakapagbibigay ng ibayong kaligayahan at inaakala nating makabubuti sa atin o sa karamihan ngunit kabaligtaran pala at paglumaon na ay pinagsasawaan na din. Maraming dahilan, maaring ningas kugon lang tayo, kawalan ng determinasyon, nahihikayat lang o maling pagdedesisyon at sa bandang huli ay nagbibigay sa atin ng aral upang matuto tayo at huwag na muling maulit ang mga bagay na ito sa ating mga buhay. Ang tao nga daw ay madaling magsawa lalo pa nga at nakikita niyang wala namang pagbabago at pinatutunguhan ang kanyang pinaghihirapan at pinagpapaguran . Gawin nating magandang halimbawa ang People Power. Ang ganda, dakila ang adhika, hinangaan ng buong mundo pero may nangyari ba? Naalala ko nuon isa ako sa milyong-milyong tao nagpunta sa EDSA para makibahagi sa mahalagang kasaysayan na ito. Ang mga eksena nakakaantig ng mga puso at sa mga oras na yaon proud na proud akong maging Pilipino. Watawat ng Pilipinas iwinasiwas, mga higanteng tangke pinigil ng mga tao, naglipanang mga imahen ng santo, magkakapit kamay na mga madre at pari, halos lahat animo’y magkakilala, mayaman man o mahirap, lalaki man o babae, bata at matanda. Yung iba ay nag-iyakan pa nga at di mapigil ang mga sarili na madala ng kani-kanilang mga damdamin ng ganap na mangyari ang kanilang ipinaglaban. Pansamantala yatang nawala ang galit sa mundo ng Pilipino ng mga oras na yaon. Nasundan pa ito ng dalawa pang People Power , bagaman higit na mababa ang tension ay halos may pagkakahawig din sa nauna ang mga eksena pero siyempre may tatalo pa ba sa original? Nuon ko pa naiisip , ewan ko kung kayo ay sasang-ayon sa akin. - - kagustuhan ba ng Diyos ang People Power o isinasangkalan lang lagi natin ang pangalan Niya sa mga pagkakataon na kagaya nito? Ng pumutok ang ZTE Scandal maraming atat na atat na maulit ang People Power. Wala akong kininkilingan, administrasiyon man o oposisyon dahil sa nakikita ko pare-pareho naman tayong may kasalanan at pagkukulang. Nuong una napakaaalab at umaaso ang isyu akala ko may People Power na namang manyayari, ngunit kahit anong pagsusumikap at pagkukumahog ng iba na masidhi ang pansariling interest na maulit ito tila ata iniisnob na ng karamihan na muling may mangyari pa habang abala ang Malacanang kung paano mapananatiling nakatulos ang bandera nito laban sa mga kaaway. Naalala ko tuloy ang isang "quotation" na natutunan ko nuong ako ay nasa grade school , “One is enough, two is to much and three is poison” . Kumbaga , para itong isang kandila na naupos at sa kalaunan ay mamamatay ang apoy sa mitsa at mababaon na sa limot. Sino ba ang ayaw ng pagbabago? Lahat naman tayo nais ito, lalo na at alam mong makabubuti ito hindi lang sa iyong sarili kungdi sa karamihan. Pero pagod na siguro ang tao at sawa na sa ganitong uri ng pagbabago. Wala namang kasing nagyayari eh! Naghihirap pa rin tayo at patuloy na napag-iiwanan ng ating mga karatig na bansa. Ang "corruption" patuloy pa ring nananalasa sa halos lahat ng sangay ng gobyerno. Lagi kasi nating inuuna ang ating mga sarili.Sawa na nga yata tayo sa People Power at ginagawa na lang natin itong panakip butas sa mga kahinaan at kasalanan nating mga Pilipino. PAGKAKATAON – ito ang tunay na kagustuhan na ibinibigay ng Diyos para sa atin. Ang People Power ay isang pagkakataon na ipinangyari ng Diyos upang makabangon tayo at muling maging dakila ang bayan at lahi na ito . Pero sa tuwing ibinibigay niya ang pagkakataon na ito lagi nating sinasayang at napupunta sa wala. Madali tayong magsawa pero hindi tayo natuto sa ating mga pagkakamali. Alam ko na laging may laang pagkakataon ang Diyos para sa atin, kung hindi man sa People Power maaring sa ibang kaparaanan. Hindi nagsasawa at napapagod ang Panginoon katulad nating mga tao, pero kailan kaya tao matuto at magpapahalaga sa mga pagkakataon ng pagbabago na ibinibigay Niya sa atin? Mag-isip isip tayong lahat. . .

“Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”
-Mateo 6:10

No comments: