“Iho de Pu_ _!” Ang malutong na bulalas ni brod na kapwa ko OFW matapos makita ang ulam na pritong isda para sa aming tanghalian. “Di ko kakainin yan, nakita ko na nakalapag sa semento kanina, Put _!, ang dumi niyan.” Dugtong pa ni kabayan habang ang iba ay walang imik na kumakain na para bagang walang naririnig samantalang ang iba naman ay tahimik na umuusal na dasal pasasalamat sa May Biyaya. Ito’y mga tagpo na masasabi kong pangkaraniwang eksena bawat tanghalian na aming pinag sasaluhan sa opisina.
At kung hapunan naman, pangkaraniwang tanawin na sa mess hall ang sari-saring ingay at mga gawi ng iba’t-ibang lahi na kumakain dito. May nakakamay habang nakapatong ang isang paa sa mahabang bangko, masaya at di alintana kung ang service tray na kinakanan ay nahugasan ba ng maayos - marahil di na nga sinabon. Kunsabagay, maselan ka man o hindi, sapat na ang mga eksenang iyon para mangamba ka para sa iyong kalusugan. Maselan talaga ang kababayang ko si brod kaya bagay na din na kayang pagtiisan ay sa mura na lang dadaanin.
Mga Minanang Turo
Bagay na marumi kapag naipasok sa katawan ay talaga namang di katangap-tangap. Wika nga ni mommy noong bata pa tayo, “O kids, make sure you wash your hands before you eat”o dili kaya pamilyar na maririnig mo sa mga nanay kapag nakita si Junior na gumagapang at akmang isusubo ang rattle na galing sa sahig, “No!, that’s dirty”. Ito’y mga pangkaraniwan na sa ating mga Minanang Turo na galing pa sa ating mga ninuno. Bagama’t tama rin naman sa ganang akin subalit ano ba talaga ang nagpaparumi sa tao?
Mateo 15: 10-20. Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao kundi ang lumalabas dito ang nagpaparumi sa tao sa mata ng Diyos.
Ito ang mga katagang binigkas ni Jesus sa mga Punong Pariseo ng siya’y sitahin ng mga nito kung bakit hinahayaan niyang kumain ang kanyang mga disipulo na hindi man lang naghugas ng kamay. Dugtong pa niya,
“Ang pagkaing marumi na pumasok sa bibig, hindi ba’t napupunta sa tiyan at pagkatapos ay idinudumi ng tao? Subalit ang masamang lumalabas sa bibig ang nagpaparumi sa kanya sapagkat ito’y galing sa puso. Sa puso rin nanggagaling ang mga gawang pagnanakaw, pagpatay, pakikiapid, pagmamataas, pagiimbot at pangungutya sa kapwa.
Maruming pagkain maaring magdulot ng sakit, maruming pag-uugali ay maaring magdulot ng malaking kapahamakan.
Psst Brod, pag isipan mo, di pa huli ang lahat.
Monday, March 31, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment